LINDOL, LINDOL, LINDOL

LINDOL, LINDOL, LINDOL

March 2, 2023 @ 1:01 AM 4 weeks ago


NOONG tinamaan ang Cabanatuan-Baguio ng magnitude 7.8 na lindol, hindi natin nasubaybayan nang husto gaya ng pagkakasubaybay natin sa naganap na lindol na magnitude 7.8 din sa Turkiye at Syria nitong nakaraang buwan.

Ang pangunahing dahilan, wala pa gaanong marami ang may hawak ng mga gadget upang i-rekord at ilabas sa media ang pangyayari sa mahal kong Pinas.

Kaiba sa Turkiye at Syria dahil napakarami ang may gadget na pinangkuha sa mga buhay na pangyayari.

Smartphone, kamera, laptop, drone, satellite at iba pang mga gadget at tekonolohiya na humuli sa mga pangyayari.

Sa Baguio-Cabanatuan tragedy, karaniwang pictures lang ang nakuha natin samantalang sa Turkiye at Syria, nakita ang mga aktuwal na pagguho at pagtumba ng mga gusali.

NAKATATAKOT

Nakatatakot ang lindol sa Baguio-Cabanatuan dahil sa pagkabuwal o pagguho ng mga gusali.

Kasama sa mga gumuho o nasira ang Hyatt Terraces Plaza, Nevada Hotel, Baguio Hilltop Hotel, Baguio Park Hotel at FRB hotel sa Baguio at ang 6-palapag na Christian College of the Philippines sa Cabanatuan.

May nasawing 1,621 o nasa 2,000 kung isasama ang mga missing na nasa 300-400 habang may nasugatang 2,786.

Sa kabuuan, ganap na nasira ang 25,305 kabahayan habang nasira rin nang bahagya ang 77,249.

Ang maganda lang, gising na gising ang mga tao nang maganap ang lindol dahil alas-4:20 ng hapon nang mangyari iyon at may lalim na 25 kilometro at walang malakas na lindol na sumunod.

Nakatakbo ang marami palabas ng mga gusali papunta sa mga ligtas na lugar.

HIGIT NA NAKATATAKOT

Kumpara sa lindol sa Baguio-Cabanatuan, maituturing na higit na nakatatakot ang lindol sa Turkiye-Syria lalo’t dalawa ang tumama roon noong Pebrero 6, 2023: ang magnitude 7.8 dakong alas-4:00 ng madaling araw at magnitude 7.6 dakong ala-1:00 ng hapon at nasa 90 kilometro ang layo mula sa una.

Sa pagrebyu sa mga lindol, nasa 10 kilometro lang pala ang lalim ng magnitude 7.8 habang nasa 7 kilometro ang pangalawa na magnitude 7.6.

Kaya naging mas malakas ang sayaw ng lupa sa Turkey at Syria kumpara sa Baguio-Cabanatuan.

May humigit-kumulang sa 44,000 ang namatay sa Turkey habang nasa 6,000 naman sa Syria at may natatagpuan pang bangkay sa mga kinakalkal pa na mga gusali.

Karamihang laman ang mga ito ng nasa 160,000 na gumuho o nasirang mga bahay at gusali.

Nagbibilang pa ng karagdagang mga patay mula sa ikatlong lindol na magnitude 5.6 na naganap nitong nagdaang araw lang ikinaguho at sumira ng nasa 29,000 gusali at nag-ugat din umano sa 7 kilometro sa ilalim ng lupa.

Ngayon naman, gaano na ba tayo kahanda sa lindol na THE BIG ONE mula sa Bulacan at Metro Manila hanggang sa Laguna at Cavite?