LINISIN ANG PDEA

LINISIN ANG PDEA

February 25, 2023 @ 12:55 AM 4 weeks ago


NAKABABAHALA na ang mga nabubunyag na kabulastugan o pagsabit sa iligal na droga ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakababahala dahil habang gumaganap ang PDEA bilang pangunahing ahensiya na tagalansag ng mga sindikato sa droga, may mga bugok itong tauhan at opisyales na nasasangkot sa proliperasyon ng ipinagbabawal na gamot.

Palasak na ang balita na may opisyales at mga miyembro ng Philippine National Police na nasasangkot sa droga pero nakagugulat na pati ilang tauhan ng PDEA ay natutukso na rin sa iligal na gawain ukol sa illegal drugs.

Hindi pa natin nalilimutan ang nangyaring shootout sa harap ng McDonald sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kung saan ay nagkaroon ng engkuwentro ang mga tauhan ng PDEA at PNP.

Nagkagulatan ang dalawang grupo dahil sila mismo na mga awtoridad ang naghulihan o nag-buy-bust ng droga sa isa’t isa. Hindi lang nalinaw kung sino sa PDEA agents at mga pulis ang binuy-bust.

Pinalabas na lang na misencounter ang nangyari. E ‘di wow!

Malupit din ang nangyaring buy-bust ng Southern Police District sa PDEA office sa Taguig City.

Ang dinakip ay ang PDEA-Southern District Office chief mismo at dalawa niyang tauhan dahil sa pagbebenta ng mga nakukumpiska nilang droga. Sa opisina ng PDEA ang bentahan ng droga?

Huwaw naman!

Hindi basta-basta ang buy-bust dahil 1.3 kilo ng shabu na halagang P9 million ang nasamsam sa mga bugok na tauhan ng PDEA.

Pero wala nang mas lulupit sa ibinunyag mismo ni PDEA director general Virgilio Moro Lazo na 30 porsiyento ng nakukumpiskang droga ng mga ahente sa bawat operasyon ay ibinibigay sa kanilang tipster impormante bilang umano’y pabuya, imbes na cash.

Ayon kay Lazo, nalaman lang niya ang ganitong kalakaran sa loob ng PDEA simula nang manungkulan siya noong Nobyembre.

Wala naman sigurong luko-lukong pinuno na sisirain niya ang kanyang sarili at idadamay ang mga tauhan kung hindi ito totoo, maliban na lang kung mayroon siyang ibang adyenda?

Kung ngayon lang ito nabunyag sa panahon ni Lazo, ibig sabihin ay matagal na itong nangyayari?

Sukang-suka na siguro si hepe sa natuklasang kalakaran kaya isiniwalat na niya.

Kanya pala hindi maubos-ubos ang droga na sumisira sa buhay ng marami nating kababayan dahil sa nangyayaring ito na sistema ng recycling na kagagawan ng ating mga awtoridad.

Ito ay seryosong alegasyon na dapat matalupan sa lalong madaling panahon, hindI lang sa PDEA kundi maging sa iba pang law enforcement agency.

Panahon na rin na linisin sa mga tiwali ang PDEA. Ang mga mapatutunayang sangkot sa ganitong kawalanghiyaan ay patawan ng mas mabigat na parusa.