LIQUID HELIUM PAUBOS NA; MRI SA OSPITAL ITITIGIL

LIQUID HELIUM PAUBOS NA; MRI SA OSPITAL ITITIGIL

October 25, 2022 @ 4:12 PM 1 month ago


UNTI-UNTI nang nauubos ang suplay ng liquid helium sa mundo na maaaring ikahinto ng paggamit sa mga ospital ng magnetic resonance imaging o MRI.

Ang MRI ay makabagong anyo ng x-ray na higit na malinaw ang inilalabas na larawan ukol sa katawan ng tao kaysa inilalabas ng x-ray.

‘Di tulad ng x-ray na pumapalya sa paglalabas ng larawan ng laman, laman-loob at buto ng tao, malinaw na malinaw na nagbibigay ang MRI ng larawan.

Kaya naman, mga Bro, kapag idinaan sa MRI ang taong maysakit, nakatitiyak ang mga doktor na masasapol nila ang kanyang mga sakit at makagawa sila ng operasyon o iba pang uri ng panggagamot sa kanya.

Kayang malaman ng mga doktor ang sakit nating tumor sa utak, dahilan ng stroke, sakit sa gulugod, sakit sa atay at cancer sa pamamagitan ng larawang 3D mula sa MRI machine.

Pero kung walang liquid helium, walang silbi ang mga MRI machine at alam na n’yo na ang kasunod sa kalagayan ng pasyente.

Naghihintay lang sa kanya ang mga taong punerarya sa tabi-tabi.

O habang panahong gulay siya hanggang sa pumanaw ang mga taong may taglay na sakit gaya ng inilista natin sa itaas.

ANG HELIUM

Pinakamalamig ang liquid helium na elemento sa buong mundo at hinahango ito mula sa natural gas.

Dahil sa giyera sa Russia at Ukraine, nanganganib na maubos ang suplay ng liquid helium nang wala sa oras dahil 30 porsyento ng suplay ang nanggagaling sa Russia.

Minsan nang nasunog ang pabrika ng liquid helium sa Russia at kahit ayos na, maaaring matigil ang suplay ng Russia dahil sa away nito sa United States kaugnay ng giyera sa Ukrainel.

Ikinakarga ang liquid helium sa mga MRI machine upang mabuhay ito at bawat makina ay nangangailangan ng 10,000 litro sa buong buhay nito na nasa 13 taon.

Ang mga ospital ang pinakamalaking gumagamit ng nasabing kemikal kumpara sa mga nagpapalipad ng lobo na gamit sa birthday, paglilibing, piyesta at iba pa.

NIRARASYON NA

Ayon sa mga ulat, inirarasyon na ang mga liquid helium sa mga nakatayong MRI machine sa US.

Kahit tumataas na ang presyo ng nasabing likido dahil nga sa kawalan ng 30 porsyentong suplay mula sa Russia, ginagamit pa rin ang mga ito dahil kailangan na kailangan sa pagpapatakbo ng mga makinang MRI.

Sa ngayon, may 12,000 MRI machine na gamit ng nasa 4,000 ospital sa US at ilan dito ang nakararanas na ng rasyon na ikinasasama ng kalagayan ng mga may sakit.

Kalahati na lang, halimbawa, ang sinusuplay sa University of California at itinigil na rin ng Harvard University ang mga research project nito dahil sa kakapusan na ng suplay.

PAANO SA PINAS?

Hindi pa gaanong pinag-uusapan sa Pinas ang kakapusan ng liquid helium kundi ang tumaas nang presyo nito kaya tumataas din ang singil ng mga ospital at doktor sa mga pasyenteng nangangailangan nito.

Maaaring gagamit sila ng mga x-ray na natunayan nang nakakakanser.

May natural gas nga pala tayo sa Malampaya. Paano kaya tayo makakuha rito ng liquid helium?