Liquor ban sa Maynila, ikakasa sa Pista ng Nazareno

Liquor ban sa Maynila, ikakasa sa Pista ng Nazareno

January 3, 2023 @ 4:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang maglabas ngayong araw ng kautusan ang pamahalaang lungsod ng Maynila hinggil sa mga aktibidad sa Pista ng Poong Itim na Nazareno.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, ang naturang Executive Order ay mag-aatas hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng liquor ban at pagkansela ng pasok sa mismong araw ng Kapistahan sa Enero 9 sa Maynila.

Paliwanag ni Lacuna sa oras na ilabas ang executive order ay dito malalaman ang kaparusahan sa lalabag sa liquor ban.

Inaasahang ipapatupad ang liquor ban simula simula Enero 7 hanggang Enero 9.

Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na hindi magiging “super spreader event” ang Pista ng Itim na Nazareno.

Ayon kay Lacuna, tatlo lang naman ang kailangan gawin para maiwasan ang hawaan sa gaganaping “Walk of Faith”, ang aktibidad na papalit sa nakagawiang Traslacion.

Aniya, ito ay ang pagsusuot ng facemask, pagpapatupad ng social distancing, at ang tamang paghuhugas ng kamay. JAY Reyes