‘Liquor ban, videoke ban, no facemask no entry’ sa M’la North Cemetery!

‘Liquor ban, videoke ban, no facemask no entry’ sa M’la North Cemetery!

October 28, 2022 @ 7:51 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang publiko partikular na ang mga magtutungo sa Manila North at South Cemeteries ang mahigpit na pagpapatupad ng “liquor ban, videoke ban, at no facemask no entry” para sa paggunita ng Undas 2022.

Ito ay inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna kasabay ng isinagawa nilang inspeksyon kasama si Vice Mayor Yul Servo sa Manila North Cemetery nitong Huwebes.

Sa inilabas na executive order ni Lacuna kaugnay sa Undas, malinaw na nakasaad dito na bawal na magpasok ng anumang uri ng nakalalasing na inumin gayundin ang mga baraha o anumang uri ng pang-sugal ay ipinagbabawal sa loob ng kampo santo.

Bawal din ang videokeha o kahit anumang gamit na nagdudulot ng ingay. Bawal din ang pagdala ng mga armas at matutulis na bagay.

Kaugnay nito, oobligahin din ng lokal na pamahalaang lungsod ang bawat tao na papasok sa North at South cemeteries na magsuot ng facemask.

Ayon kay Lacuna, hindi nila papasukin ang kahit sino na walang face sa mga nasabing kampo santo sa Maynila.

Paliwanag ng alkalde na kahit pa may utos na pwede nang hindi mag suot ng facemask sa mga open spaces ay nakasaad din na sa mga pagkakataon na maraming tao ay kailangan pa rin aniya ang pagsusuot ng facemask.

Sinabi din ng alkalde na mamimigay sila ng facemask sa entrance ng Manila North at South Cemeteries. JAY Reyes