Lisensya ng nagpasaway na drayber, may-ari ng Ferrari sinuspinde na ng LTO

Lisensya ng nagpasaway na drayber, may-ari ng Ferrari sinuspinde na ng LTO

November 4, 2022 @ 5:11 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tatlong buwan suspensyon ang pinataw ng Land Transportation Office (LTO) sa driver’s lincense ng may-ari at drayber ng pulang Ferrari na pumasok sa EDSA bus lane na ekslusibo sa mga pampublikong bus, ambulansya, at sasakyan ng gobyerno na may emergency.

Sa resolusyon ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) na nilagdaan ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, pinapanagot ang drayber ng sasakyan dahil sa administratibong kaso na Disregarding Traffic Sign.

Maliban sa suspensyon ng lisensya, pinagmumulta rin ang drayber o may-ari ng pulang Ferrari ng halagang isang libong piso.

Inatasan na rin ang Data Control Unit ng Law Enforcement Service (LES) ng LTO na i-alarma ang record ng pulang Ferrari F8 Tributo na may plakang NEM 8999.

Mananatili ang alarma na ito hangga’t hindi nakukumpirma ang impormasyon sa kung sino ang drayber ng pulang Ferrari nang mangyari ang paglabag.

Bukod dito, hindi makakapag-renew ng rehistro ang may-ari ng sasakyan hangga’t hindi sumisipot ang drayber para magpaliwanag sa pagpasok sa EDSA bus lane.

Binigyang-diin ni LTO Chief Guadiz na nabigyan ng due process ang drayber o may-ari ng sasakyan sa pamamagitan ng pagkakataong humarap sa IID upang depensahan ang sarili ngunit hindi ito sumipot.

“We cannot be blamed for swiftly issuing a resolution on this case because the violation warrants it. The bus lane was put up for the exclusive use of PUBs and other authorized vehicles and not for private vehicles, no matter the size, make and price tag. Despite the many signs placed declaring it to be as such, the driver blatantly disregarded those, as if showing that he/she is above the law, and we will not let that pass,” pahayag pa ni Guadiz. Jan Sinocruz