Lista ng gastos sa eleksyon, isumite; nag-backout ‘di lusot – Comelec

Lista ng gastos sa eleksyon, isumite; nag-backout ‘di lusot – Comelec

May 20, 2022 @ 7:26 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng mga kandidato sa May 9 elections  na magsumite ng kani-kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) hanggang June 8.

Ayon kay Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco, ang mga kandidatong nag-withdraw ng kanilang kandidato at political parties ay kailangang magsumite ng kanilang nagasta gayundin ang kontribusyon na natanggap  nila sa campaign period.

“The law requires you (candidates) to file a SOCE. As long as you have been considered as candidates, you are obligated to file your SOCE,” sabi nito sa press briefing nitong Miyerkules.

Aniya, ang mga nagwagi sa kamakailang botohan, na hindi nagsumite ng kanilang mga SOCE ay pinagbabawalan na umako sa kanilang mga puwesto hanggang sa maghain sila ng kanilang mga SOCEs.

Idinagdag niya na ang mga mabibigo na magsumite ng kanilang SOCE sa pangalawang pagkakataon ay sasailalim sa perpetual disqualification upang humawak ng pampublikong tungkulin.

Binalaan din ni Laudiangco ang mga kandidatong lumampas sa kanilang campaign spending limits na nahaharap sila sa mga posibleng kaso sa election offense.

“Those that have exceeded, it is considered an election offense. It carries possible imprisonment penalties,” sabi pa ng opisyal.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7166, ang bawat kandidato at partidong pampulitika ay dapat, sa loob ng 30 araw pagkatapos ng araw ng halalan, maghain sa Comelec ng “buo, totoo, at naka-item na pahayag ng lahat ng kontribusyon at paggasta” na kaugnay ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden