LISTAHAN NG MGA HINDI NAGPABAKUNA SA BAWAT BARANGAY, IPINASUSUMITE NG DILG

LISTAHAN NG MGA HINDI NAGPABAKUNA SA BAWAT BARANGAY, IPINASUSUMITE NG DILG

January 14, 2022 @ 12:32 PM 1 week ago


INATASAN ng ng Department of the Interior and Local Government ang lahat ng mga Punong Barangay sa buong bansa na i-submit sa Kagawaran ang listahan ng mga residente nito na hindi nagpabakuna.

 

Ang hakbang ay para mabantayan at malimitahan ang paglabas ng mga Pilipino na hindi pa nababakunahan kahit isang beses man lamang.

 

Ang Memorandum Circular ay kaugnay sa naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Barangay officials.

 

Bawat buwan magsusumite ng inventory o listahan ang Barangay at sila ay maglalabas ng isang ordinansa na naglilimita sa galaw o mobilidad ng mga residente na wala pang bakuna.

 

Nauna nang nagpasa ng ordinansa ang mga lungsod ng Makati, Navotas at Pasig ukol sa limitadong paggalaw ng mga wala pang bakuna. Ginawa ito para sa proteksyon ng higit na nakararaming bilang ng populasyon na mayroon ng bakuna ngunit maaari pa ring tamaan ng COVID-19.

 

Inutusan na rin ng pamunuan ng League of Provinces of the Philippines ang walumpu’t isang lalawigan sa bansa na gumawa ng ordinansa para sa mga wala pang bakuna.  

 

Sa pinakahuling bilang, mayroong 42,046 na barangay sa buong bansa.

Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng hawaan ng COVID-19, 28 pang mga lugar ang isinailalim sa Alert Level 3 epektibo simula January 14 na magtatagal hanggang January 31.

 

Sa Luzon, ang mga nadagdag na lugar ay ang Abra, Albay, Benguet, Camarines Sur, Ilocos Norte, Isabela, Kalinga, La Union, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Quezon, at Quirino.

 

Sa Visayas ay ang Aklan, Antique, Capiz, at ang mga lungsod ng Bacolod, Cebu, Mandaue, at Tacloban.

 

Habang sa Mindanao ay ang Agusan del Sur, at ang mga lungsod ng Butuan, Cagayan de Oro, Cotabato, at Davao.

 

Sa mga lugar na nabanggit, asahan na ang paghihigpit ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng mga minimum health and safety protocol.