Listahan ng mga mapanganib na paputok inilabas

Listahan ng mga mapanganib na paputok inilabas

November 7, 2022 @ 7:17 PM 4 weeks ago


Bulacan – Aabot sa 29 mapanganib at mapaminsalang paputok ang pinangalanan sa isinagawang diyalogo ng pulisya sa mga manufacturer na ginanap sa Camp Alejo Santos, Malolos City.

Nakilala ang mga paputok sa tawag na Watusi, Piccolo, Poppop, Five star, Pla-pla, Lolo thunder, Giant bawang, Giant whistle bomb, Atomic bomb, Super lolo, Atomic triangle, Goodbye bading, Large-size Judas belt, Goodbye Philippines, Goodbye De Lima, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Goodbye Napoles, Coke-in-can, Super Yolanda, Pillbox, Boga, Kwiton, Kabasi, Overweight at oversized Firecrackers and Pyrotechnic Devices (FCPD), Importer finished products, Unlabeled locally made FCPD, at mga kauri ng firecracker na may ibang brand o tatak na kapareho ng mga ipinagbabawal na paputok.

Sa report, inilabas ng pulisya ang mga ito sa isinagawang “Dialogue with Manufacturer and Dealers of Pyrotechnic Devices/Firecrackers” sa pagitan ng pulisya at Philippine Pyrothecnics Manufacturers and Dealers Assiciation of Bulacan nitong Oktubre 27 sa naturang kampo.

Bagama’t nakipagdiyalogo na ang pulisya ay napag-alamang may ilang iligal na pagawaan ng paputok ang patuloy pa rin ang operasyon sa mga tago at liblib na lugar.

Katunayan, tatlong manggagawa ng iligal na paputok sa Brgy. Pulong Buhangin na walang maipakitang permiso mula sa kinauukulan ang hinuli nang salakayin ng Sta. Maria police bandang alas-5 ng hapon nitong Nobyembre 5.

Una rito, sumabog bandang ala-1 ng hapon nitong Nobyembre 3 sa Sitio Manggahan sa kaparehong barangay ang pagawaan at imbakan ng paputok na may naitalang 10 nasugatang manggagawa nito.

Dahil dito, sinabi sa isang panayam ni Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo na patuloy ang kanilang isasagawang inspeksyon sa mga pagawaan para mapigil, mahuli ang mga iligal na paputok at pinaiigting nila ang pagkuha ng permit para rito.

Kaugnay nito, sinasabing ang mga nabanggit na mapanganib na paputok ay maaring makalason, makapinsala at maaaring makapatay pa ang mapuputukan sa sobrang lakas nito.

Nanawagan ang pulisya sa publiko na ireport sa kanila ang pinaghihinalaang iligal na pagawaan para mahinto ang operasyon nito na sadyang mapanganib sa publiko. Dick Mirasol III