Listahan ng mga paaralan na humihingi ng F2F exemption, ilabas! – ACT

Listahan ng mga paaralan na humihingi ng F2F exemption, ilabas! – ACT

October 19, 2022 @ 12:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Department of Education (DepEd) na ilabas nito ang listahan ng mga pampublikong paaralan na humihingi ng five-day face-to-face classes exemption pagsapit ng Nobyembre.

Inilabas ng grupo ang panawagang ito nitong Martes, Oktubre 18 kasunod ng paglalabas ng DepEd Order No. 44 na ipatutupad na ang full implementation ng in-person classes sa mga pampublikong paaralan simula Nobyembre 2 samantala ang mga pribadong paaralan naman ay maaari pa ring magsagawa ng blended learning modality sa kabuuan ng school year.

“Return to 100% face to face classes is urgent and necessary but it cannot be done simply with a written order. In fact, DO 44 is proof that the government cannot effectively do it as it gave leeway for exemptions from the earlier more stringent instruction banning blended learning by November 2, 2022,” sinabi ng ACT.

Tugon naman ni DepEd spokesperson Michael Poa sa pamamagitan ng GMA News, hindi pa nila mailalabas ang talaan kung ilan ang mga pampublikong paaralan na humiling ng full face-to-face classes exemption dahil ang DO 44 ay kakalabas lamang dalawang araw ang nakalilipas.

Maibibigay din umano ang datos kapag natanggap na nila ito mula sa mga regional offices.

Samantala, idiniin naman ni Poa na ang naturang kautusan ay nagbibigay din ng exceptions sa mga pampublikong paaralan na magsagawa ng face-to-face classes sa pamaamgitan ng Regional Director o kaya naman ito ay naapektuhan ng kalamidad.

Maglalabas din ng memorandum ang DepEd sa mga susunod na araw ng panuntunan sa pagbibigay ng exemptions ng Regional Director.

Pahayag naman ng ACT, ang kakulangan ng classroom at sobra-sobrang trabaho sa mga guro ang dahilan ng kanilang panawagan.

“While we do not wish for the push for 100% face to face classes to fail, it seems that it is where we are heading given the government’s failure to address our problems,” anila. RNT/JGC