Listahan ng reclamation projects, lifestyle check hirit sa DENR

Listahan ng reclamation projects, lifestyle check hirit sa DENR

November 17, 2022 @ 8:31 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Humirit si Senate Majority Leader Senator Joel Villanueva nitong Miyerkoles, Nobyembre 16 sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsumite ng listahan ng lahat ng kanilang reclamation projects sa bansa.

Ito ay kasabay ng plenary deliberation sa 2023 budget ng naturang ahensya kung saan sinabi ni Villanueva na batay sa nabasa niyang ulat ay mayroon nang 187 reclamation projects ang nagpapatuloy sa bansa taliwas sa unang nabanggit nito sa Senado na 21 lamang.

Ani Senador Cynthia Villar na nagdepensa sa badyet ng DENR, sa Manila lamang ay mayroon nang 19 na reclamation projects.

“Outside, dalawa sa Cebu, dalawa (sa) Samar. Wala yung data from the regions,” pagbabahagi ng Senadora.

“My husband will say hindi lang nag-Chinese invasion sa West Philippine Sea, nag-Chinese invasion din sa Manila Bay dahil sa dami ng reclamation sa Manila Bay,” dagdag pa niya.

Samantala, inirekomenda naman ni Senador Raffy Tulfo sa pamunuan ng DENR na magkasa ng lifestyle check sa ilang mga kawani ng ahensya.

Ito ay dahil sa mga natatanggap niya umanog ulat na may sabwatan ang ilang opisyal nito sa illegal mining.

“Marami po diyang mga (undersecretary) na panahon pa ng dinosaur, nandiyan na po sa pwesto. Pwede ho ba pakiimbestigahan ‘yang mga Usec. na ‘yan at sa tinagal-tagal nila ay mukhang nagkakaroon na sila ng dementia, hindi na po nila nagagawa ‘yung tamang trabaho nila,” ani Tulfo.

“Maybe it’s about time na ma-assess niyo kung sino-sino ‘yang mga Usec. na ‘yan na pagkatagal tagal ng panahon nandyan pa rin,” dagdag niya.

Tugon ni DENR Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga na kanilang sisilipin ang isyung ito at sa katunayan ay may bubuuin na silang team upang tumutok dito.

“Marami po sa inyo dyan sa mga tauhan ninyo ay nakikipagsabwatan po sa mga illegal miners. Alam nyo po ba yan? Don’t tell me na hindi niyo po alam? Don’t tell me hindi nakakarating sa inyo ang ganung klaseng impormasyon? Marami po dyan,” hirit pa ni Tulfo.

“I’m not looking at them right now, pero tingnan niyo po sa likod niyo kung sino-sino po ang mga kasama niyo. Patanggal niyo po ang face mask, baka mas makikita niyo po ng mabuti,” dagdag pa niya.

Bilang pagtatapos, nagbigay naman ng suhestyon ang Senador kay Yulo na una nitong linisin ang mga undersecretaries at assistant secretaries. RNT/JGC