Lito Lapid, dedma sa bashers!

Lito Lapid, dedma sa bashers!

December 30, 2021 @ 4:23 PM 8 months ago


Manila, Philippines – May mga kumukwestiyon sa kakayahan at mga nagawa ni Senator Lito Lapid bilang mambabatas.

Katunayan, hindi ligtas ang butihing senador sa mga pamba-bash sa social media.

Aniya, hindi raw naman siya apektado ng mga bumabatikos sa kanya sa online world.

Dedma lang daw ang attitude niya dahil wala raw naman siyang social media accounts.

Siya raw kasi iyong tipo ng taong tahimik lang kung magtrabaho dahil ipinauubaya niya sa mga natulungan niya ang pagsasalita sa kanyang accomplishments as public servant for more than 30 years.

Speaking of film projects, isang malaking karangalan daw para sa kanya ang mai-direk ng Cannes best director na si Brillante Mendoza sa pelikulang “Apag” kung saan kasama niya sina Coco Martin, Gina Pareno, Jaclyn Jose, Julio Diaz, Gladys Reyes, Ronwaldo Martin at Vince Rillon.

Aniya, matagal na raw niyang pangarap ang makagawa ng makabuluhang pelikula kung saan ay puwede siyang rumampa sa international filmfests abroad.

Nasanay daw kasi siyang ang mga ginagawang pelikula ay hitik sa aksyon kung saan tuma-tumbling siya, sumasakay sa kabayo at gumagawa ng buwis-buhay na stunts.

Sa bago niyang pelikula, magda-drama raw siya kaya medyo intimidated siya kina Gina at Jaclyn.

Gayunpaman, hindi raw naman siya nahirapan sa kanyang role dahil at home siya sa salitang Kapampangan na siyang lenggwahe ng pelikula.

Huli raw niyang straight drama ang ‘Kastilyong Buhangin” kung saan nakatambal niya ang Superstar na si Nora Aunor.

Si Senator Lito na nakilala bilang Leon Guerrero sa kanyang action movies, kasama ang kanyang anak na si Mark Lapid, ang endorsers ng Pinuno Party List na layuning magbigay ng pabahay para sa masa. Archie Liao