Livelihood training alok sa Pasay

Livelihood training alok sa Pasay

December 15, 2022 @ 12:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inialok ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang livelihood training para sa mga residente na nagnanais na magkaroon ng karagdagang kita para sa darating na Kapaskuhan.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang mga programang nakapaloob sa livelihood training ng lokal na pamahalaan ay kinabibilangan ng silk screen printing, food processing, meat processing, oriental food processing, no baked goodies at soap making.

Ayon kay Calixto-Rubiano, aabot sa 50 residente ang maaakomoda sa anim na livelihood training na iniaalok bilang “first come first served” basis na ggaganapin sa Tatay Duay Training Center.

Inilunsad ang livelihood training nitong Disyembre 15 kung saan sisimulan ang silk screen printing program ng mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon.

Sa mga interesado naman sa food processing para makagawa ng pineapple-papaya jam, pickled amplaya, embutido, Spanish style sardines ay maaaring lumahok sa Disyembre 16.

Nakatakda naman sa Disyembre 17 ang training para sa may mga hilig sa meat processing at ang bawat kalahok ay pagkakalooban ng seminar kung papaano ang paggawa ng pork tocino, skinless longganisa, hamburger patties at pear-shape ham.

Sinabi din ni Calixto-Rubiano na sa darating na Disyembre 19 ay isasagawa ang training para sa oriental food processing at para sa may gustong matuto nito ay bibigyan ng tutorial kung papaano gumawa ng China siomao, Mongolias spring roll, kimchi at okonomiyaki.

Ang Disyembre 20 naman ay nakalaan para sa mga residente nan ais matutong ng no baked goodies kung saan pagkakalooban din ang mga ito ng seminar para kanilang malaman ang paggawa ng brownies, choco rum bars, crunchy peanut squares at graham balls.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang huling iniaalok na training ng lokal na pamahalaan ay gaganapin sa Disyembre 21 para naman sa paggawa ng sabon kung saan ang mga kalahok ay bibigyan din ng lecture sa paggawa ng transparent herbal soap, multi-purpose detergent, liquid dishwashing soap at fabric conditioner. James I. Catapusan