Liza Maza, nag-aalala sa kaniyang kaligtasan

Liza Maza, nag-aalala sa kaniyang kaligtasan

August 2, 2018 @ 8:08 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nag-aalala sa sariling kaligtasan si National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Liza Maza matapos ang paglabas ng arrest warrant sa kaniya at tatlong lider ng mga militanteng grupo.

“Ako medyo nag-aalala rin ako sa aking kaligtasan, aking safety. So I am making all the precautions. Alam ko naman inaayos ng aking abogado ang aming kaso at depensa,” ayon kay Maza.

Dagdag pa niya, haharapin niya ang kasong isinampa sa kaniya sa tamang  oras at sa tamang forum, sa kabila ng pakiusap ng Malacañang at ng pulisya na sumuko na lang siya.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, dating Bayan Muna Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño kaugnay ng isang double murder case na isinampa laban sa kanila noong 2006.

Samantala, depensa ni Maza, gawa-gawa lang ang kaso noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para i-harass ang mga miyembro ng oposisyon noon.

“This is clearly fabricated,” ani Maza.

Sa ngayon, pag-aaralan muna ng kampo ni Maza ang mangyayari sa hearing sa Biyernes, kung saan didinggin ng Palayan RTC ang kanilang motion for reconsideration. Remate News Team