Lloydie, umiyak kay Kuya Wil!

Lloydie, umiyak kay Kuya Wil!

June 7, 2021 @ 9:00 AM 2 years ago


Manila, Philippines – Angkop sa nagbabalik-showbiz na si John Lloyd Cruz ang inawit niya nang mag-guest nang live sa TV special ni Willie Revillame nitong June 6 na ginanap sa Smart Araneta Colieum.

Kinanta ni Lloydie ang awiting ‘Yakap’ na pinasikat ng Spanish singer na si Junior noong 1979.

Mahihinuhang sa kilos ng aktor ay naninibago ito sa kanyang first ever public appearance makaraan ng halos apat na taong pamamahinga.

Halatang nangingilid ang mga luha ni Lloydie sa madamdaming pangungusap na binitiwan ni Willie na siya ring prodyuser ng palabas.

Tinanong ni Willie kung ano’ng nararamdaman ng aktor na labis na nagpapasalamat sa TV host na naging instrumento kung bakit siya naroon.

Naka-relate si Willie sa pinagdaanan ni John Lloyd na nakabalik din sa tulong ng mga kaibigan. Pinuri ni Willie ang aktor sa pagiging isang mabuting ama at mahusay na artistang iniidolo niya.

Sa bandang huli, inanunsyo ng TV host na dapat abangan ng mga manonood ang isang primetime show na pagsasamahan nila ni John Lloyd. Ronnie Carrasco III