Loan agreements ng railway projects sa China, ilalaban pa rin – DOTR

Loan agreements ng railway projects sa China, ilalaban pa rin – DOTR

September 30, 2022 @ 7:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sisikapin pa rin na mapagtagumpayan ng pamahalaan ang loan agreements nito sa China para sa tatlong malalaking railway projects.

Ito ang sinabi ng Department of Transportation (DOTR) ngayong Biyernes, Setyembre 30.

Mismong si Transportation Undersecretary Timothy John Batan ang nagkumpirma sa mga senador kung paano makukumpleto ng DOTR ang tatlong proyekto nitong Mindanao Railway Project’s Tagum-Davao-Digos segment, Philippine National Railways Calamba to Bicol line, at ang Subic-Clark Railway Project.

Sa presentasyon ng DOTR sa Senado, sinabi ni Batan na ang Mindanao Railway Phase 1 ay magsisimula sa partial operations nito sa unang bahagi ng 2027 at full operation sa 2028.

Ang PNR South Long Haul Project naman ay inaasahan magiging fully operational sa ikatlong bahagi ng 2026 samantala ang Subic-Clark Railway Project ay sa ikatlong bahagi rin ng kaparehong taon.

“Currently, the DOTr has already written to DOF requesting for the resubmission of our loan applications for our China-funded projects and this is currently ongoing, the processing by our Investment Coordination Committee for purposes of getting the necessary government approvals,” ani Batan.

Nang matanong naman ni Senador Nancy Binay kung itutuloy pa rin nito ang pagpopondo ng China, sagot ni Batan:

“Yes, madam chair, that is the current direction for these three China rail projects.”

Nang tanungin naman kung paano nagkaroon ng target dates sa mga proyekto gayong wala pa namang pondo sa mga ito, tugon ng DOTR na inaasahan nilang masisiguro ang loans mula China sa kalagitnaan ng 2023.

“Based on this target of 2023 loan agreement signing with our Chinese partners po, then that is the basis po of our current completion date for Mindanao Railway of second quarter of 2028,” paliwanag niya.

Nagtaka naman ni Senador Grace Poe kung bakit ipipilit pa ang loan agreements sa China kung maaari namang magkaroon ng kasunduan sa ibang bansa tulad ng Japan na mas mainam pa ang loan agreement terms. RNT/JGC