LOAN SHARKS NA TUMATANGGAP NG 4Ps CARDS KAKASUHAN

LOAN SHARKS NA TUMATANGGAP NG 4Ps CARDS KAKASUHAN

July 15, 2022 @ 6:58 PM 1 month ago


BILANG na ang araw ng mga buwayang nagpapautang ng naglalakihang interes sa mga pobreng mamamayan kapalit ang kanilang 4Ps cards, makaraang ianunsyo ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na haha­bulin at sasampahang ng kaukulang kaso ang mga ito.

Ito’y matapos makatanggap ng mga reklamo ang kanyang tanggapan hinggil sa naglipanang mistulang manggagantsong loan sharks na pinagpipiyestahan ang mahihirap na kababayan sa pamamagitan ng kunwaring pagtulong na kumakabig ng 20 hanggang 40 porsyentong tubo sa inuutang nila.

Sa totoo lang,bago pa man umupo bilang kalihim si Secretary Erwin,pinuputakte na ng sumbong ang hanay natin kaugnay sa mga buwayang itong pinagpapasasaan ang kahirapan ng taumbayan sa oras ng kagipitang sapilitang isinasangla ang CCT cards upang matugunan halimbawa ang pambili ng gamot kapag nagkakasakit ang ilang kaanak o kaya naman pambayad sa matrikula ng mga anak at higit sa lahat pambili ng pang araw-araw na pagkain.

May punto ang magaling na pinuno ng DSWD bunsod sa pag-aari nga naman ng gobyerno ang 4Ps cards na ito kaya walang karapatang isangla ito ng sinoman at hindi rin puwedeng tanggapin ng mga nagpapautang bilang kolateral ng mga benepisyaryo.

At bagaman may grievance ang ahensyang tumatanggap at nag-iimbestiga ng reklamo hinggil dito subalit batid ng sambayanan na hindi kayang bantayan ng mga kawani ang ilang milyong kababayang nagsasangla ng CCT cards sa panahon ng kagipitan.

Ibig sabihin, kailangan pa rin ng DSWD ang kooperasyon ng taumbayan upang iparating sa iilang taga grievance ang ginagawang itong sadyang ipinagbabawal sa panuntunan ng ahensyang posibleng matanggal sila bilang benepisyaryo kapag napatunayang lumabag ang mga ito.

Sa madali’t sabi, unawa ng mamamayan ang paglilinis na ipinatutupad ngayon ni Secretary Erwin sa kagawarang layunin din naman na gamitin ang ayuda ng gobyerno upang maibsan ang nararansang kahirapan ng nakararami at hindi mapakinabangan ng iilang buwayang loan sharks na walang iniisip kundi ang kumabig ng husto sa gitna ng gutom na mahihirap na kababayan.

Anomang puna o reaksyon i-text sa 09999388537/email [email protected]