LOAN SHARKS SA DEPED TALAMAK PA RIN

LOAN SHARKS SA DEPED TALAMAK PA RIN

February 24, 2023 @ 1:12 PM 4 weeks ago


MAGSILBI sanang leksyon sa mga buwayang nagpapautang kaakibat ang napakataas na interes sa mga guro,ang pagtabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng pahintulot sa Manila Teacher’s and Loan Association Incorporated kaugnay sa awtomatikong pagkaltas sa sahod nilang may utang sa kompanya.

Bagaman umani ng batikos mula sa mga guro na itinuturing na madalas na parokyano nang MTSLAI subalit inaasahang ito na ang susi ng malawakang imbestigasyon hinggil sa talamak na pagpapautang kasabay ang lampas ulong interes kung saan matataas na opisyal ng DePEd sa mga lalawigan ang kapitalista.

Ilan nga bang supervisor, principal at head teacher ang yumaman na bilang loan sharks samantalang baon naman sa utang ang mga kliyente nilang gurong hindi maunawaan kung bakit hindi pa rin sila nakababayad sa kabila ng ilang taon na ring hawak ng mga ito ang automated teller machine cards nila?

Sa totoo lang, ito ang dapat busisiin ng BSP at DepEd Central kung saan hindi pa rin matuldukan ang naglipanang loan sharks sa kagawaran kasama ang kasabwat nilang ilang tusong humahawak ng payroll ng mga gurong na may porsyento rin mula sa mga nagpapautang na higit pa sa Bombay ang ipinapataw na interes.

Kawawa talaga ang mga guro na pinagkakasya na nga lang ang kanilang kakarampot na sahod, baon pa sa utang bunsod sa hindi makatuwirang interes na ipinapatong ng ilang ganid sa kwartang supervisor at principal.

Ang siste pa, nagkamal na ng sangkatutak na salapi ang mga opisyal na ito dahil karamihan sa kanila ay wala namang lisensya at business permit na binabayaran sa gobyerno kaya malaya silang yumayaman pa samantalang mas lalo pang nagiging pobre ang mga gurong kinokotongan niula ang suweldo.

At kapag nakikiusap ang mga guro na hindi muna kaltasan ang kanilang sweldo bunsod sa gagamitin na pang-matrikula ng kanilang estudyante ay sangkaterbang maaanghang na salita’t mura ang inaabot ng mga ito mula sa mga abusadong nagpapautang.

Sana naman ay masilip ng kagawaran ang naglipanang loan sharks sa mga lalawigang matagal nang nilulumot ang mga reklamong ito na sadyang nagpapahirap pa sa itinuturing na pangalawang magulang ng mga mag-aaral.