Local agri industry, papatayin ng RCEP – Imee

Local agri industry, papatayin ng RCEP – Imee

February 16, 2023 @ 4:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi makababangon bagkus, papatayin ang local agricultural industries kapag tuluyan nang naipatupad ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa bansa na kasalukuyang nakasalang sa plenaryo ng Senado, ayon kay Senador Imee Marcos.

Ipinalabas ni Imee ang pahayag matapos isponsoran ng ilang lider ng Senado ang ratipikasyon ng RCEP sa plenaryo nitong Miyerkules kahit isinusulong ito ng administrasyon.

“[I] am quantifying gains in electronics and garments vs agri damage from RCEP. Really a lot to gain economically, but it will ravage the countryside and kill our farmers,” ayon kay Marcos kung bakit hindi siya lumagda sa committee report ng RCEP.

Sinabi pa ni Imee na kahit maraming puwedeng gawing interventions ang pamahalaan sa sektor na lubhang maapektuhan ng RCEP, binanggit naman nito na marami nang pinasok ng kasunduan ang bansa na hindi natupad ang mga ipinangako dito.

“[S]a ilang dekadang nakalipas mula nung WTO 1994 halos wala namang tinupad sa sandamakmak na pangako,” aniya na tumutukoy sa General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization (GATT-WTO).

Si Imee ang chairman ng Senate foreign relations committee, na may tungkulin na talakayin ang lahat ng tratado at international agreement na papasukin ng pamahalaan.

Dahil matindi ang reserbasyon ni Imee sa ratipikasyon ng RCEP, nagbuo ang Senado ng subcommittee upang talakayin ang RCEP na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda kasama si Senate President Juan Miguel Zubiri bilang co-chairperson.

Samantala, hindi lumagda si Senador Francis Escudero sa committee report dahil hindi pa nito hustong nababasa ito kabilang ang mga annexes.

“The ratification of treaties by the Senate [is] on a ‘take-it-or-leave-it’ basis because we can’t amend or change it. Hence, it must be read and taken in its entirety and holistically before any decision is arrived at,” ayon kay Escudero.

Kabilang sina Marcos at Escudero sa walong senador na hindi lumagda sa committee report ng RCEP.

Bukod kay Zubiri, lumagda sa committee report sina Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, Minority Leader Pimentel, Senators Francis Tolentino, Robin Padilla, Mark Villar, Jinggoy Estrada, Lito Lapid, Bong Revilla, Sonny Angara, Win Gatchalian, JV Ejercito, Nancy Binay, Ronald dela Rosa, at Grace Poe. Ernie Reyes