Local transmission ng monekypox sa Pinas, posible-eksperto

Local transmission ng monekypox sa Pinas, posible-eksperto

August 23, 2022 @ 9:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Posibleng may local transmission na ng monkeypox sa Pilipinas, ayon sa isang infectious disease expert.

Ito ay matapos na umabot na sa apat ang kumpirmadong kaso ng monkeypox sa bansa kung saan ang pinakahuli ay nakumpirma sa Iloilo.

Sinabi ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert, importante na malaman ng Department of Health ang nakasalamuha ng pasyente o magsagawa ng contact tracing sa mga nagpositibo sa monkeypox.

Ang nasabing pasyente ay hindi umano pumunta sa ibang bansa kaya naman posibleng ikonsidera na ang pagkakaroon ng local transmission.

“Isa ‘yan (local transmission) sa posibleng konsiderasyon siguro, kung wala siyang history ng travel abroad ‘no. So there could be a possibility of a local transmission,” ani Solante sa pahayag sa SRO.

Dagdag pa ni Solante na posible ring tukuyin kung ang nasabing pasyente ay may kaugnayan ba doon sa unang tatlong nagpositibo sa monkeypox.

Sinabi naman ni Department of Health OIC Maria Rosario Vergeire na inaalam nila kung may nakasalamuhang banyaga ang sinasabing pasyente dahil ang ibang nakasalamuha ng pasyente ay hindi umano nagpakita ng sintomas ng monkeypox.

Aniya, nagiging maayos na ang kalagayan ng sinasabing pasyente ng monkeypox habang patuloy na minomonitor ng DOH ang isang pasyente na sinasabing may monkeypox.