Local transmission ng XBB.1.5 sa Pinas, posible – eksperto

Local transmission ng XBB.1.5 sa Pinas, posible – eksperto

February 16, 2023 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng infectious disease expert nitong Huwebes ang posibilidad ng local transmission ng COVID-19 Omicron subvariant XBB.1.5 sa unang kaso nito sa Pilipinas na natukoy sa isang Pilipino na walang travel history kamakailan.

Sinabi ito ni Dr. Edsel Salvana, na miyembro rin ng Department of Health Technical Advisory Group for Infectious Disease, matapos ilahad ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Martes na ang unang kaso ng pinakanakahahawang Omicron subvariant ay local detection at may unknown exposure.

“Well ‘yung mga ganitong klase, kapag nakaka-detect tayo nung walang travel history, it’s possible na may nangyayaring local transmission. Pero we have to detect more cases para sabihin natin na sustained ‘yung local transmission,” pahayag ni Salvana sa public briefing.

Sa kasalukuyan, natukoy sa Pilipinas ang tatlong kaso ng XBB.1.5, matapos matukoy ang dalawang karagdagang kaso sa genome sequence results na ipinalabas noong February 7 hanggang February 9.

Tinukoy ng European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC) ang XBB.1.5 na offshoot ng XBB subvariant, bilang isang Variant of Interest, dahil sa “increasing prevalence globally and enhanced immune evading properties” nito.

Sa kabila nito, iginiit ng DOH na ang kaasalukuyang ebidensya sa XBB.1.5 “does not suggest any differences in disease severity and/or clinical manifestations compared to the original Omicron variant.”

Bukod sa XBB.1.5, natukoy din sa bansa kamakialan ang unang kaso ng COVID-19 Omicron subvariant XBF—isang recombinant sublineage ng BA.5.2.3 at CJ.1.

Idinagdag ng World Health Organization (WHO) kamakailan ang XBF, XBB.1.5, at CH.1.1 sa listahan ng “Omicron subvariants under monitoring.”

Bagama’t patuloy na binabantayan ng Health Department ang developments ukol sa mga bagong subvariants, pinaalalahanan ni Salvana ang publiko na patuloy na magsuot ng face masks at magpaturok ng bivalent COVID-19 vaccines kapag dumating na ang mga ito sa bansa. RNT/SA