Localized peace talks sa rebeldeng komunista, isusulong ni Bato

Localized peace talks sa rebeldeng komunista, isusulong ni Bato

December 22, 2022 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pamahalaan na magsagawa ng localized peace talks sa rebeldeng grupo matapos pumanaw si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria “Joma” Sison.

Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng pulis sa panahon ni Pangulong Duterte na napapanahon ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan dahil tanging ang yumaong founder ng komunista ang sagka sa naturang usapin.

“Dapat yung ating mga local chief executives, governor man o mayor man, kung saan laganap pa rin ang presensiya ng NPA (New People’s Army) sa kanilang lugar ay dapat magsimula ng makipag-usap sa mga ground commanders, yung local commanders ng CPP-NPA sa area nila,” ayon kay Dela Rosa.

Sa panahon ni Duterte, ipinalabas nito ang Proclamation 360 noong Nov. 23, 2017 na nagdedeklara ng pagtatapos ng usapang pangkapayapaan sa rebelled na naging permanente nitong Marso 2019.

“Noon, si Joma Sison lang naman talaga ang stumbling block ng local peace talks dahil ayaw nyang mawalan ng control over his field units at tsaka yung local commanders naman ay takot din na ma-sanction,” ayon kay Dela Rosa.

Nitong Hunyo, inihayag ni Sison na bukas siya sa pagsasagawa ng peace talks na lantarang sinalungat ni National Security Adviser Clarita Carlos.

Namatay si Joma nitong Disyembre 16 dalawang linggo matapos maospital sa Utrecht, The Netherlands, base sa pahayag ng partido.

Samantala, inihayag naman ni Dela Rosa na walang problema sa pagbabalik at paglilibing ng labi ni sison sa bansa para lamang sa makataong kadaghilanan. Ernie Reyes