Localized peace talks, suportado ni Pangulong Duterte

Localized peace talks, suportado ni Pangulong Duterte

July 5, 2018 @ 2:32 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Pabor ang Malakanyang na magkaroon ng localized peace talks ang local government units (LGUs)  sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, napagkasunduan sa joint command conference ng AFP at PNP na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Malakanyang na isulong ang gagawing localized peace talks at walang pag-uusapang coalition government sa mga komunista.

Aniya, may kondisyon ang Chief Executive sa localized peace talks gaya ng pagsasagawa ng usapan sa loob ng bansa lamang, dapat nang itigil ng komunista ang pangongolekta ng revolutionary tax, walang hostilities o pag-atake at dapat manatili lamang sa mga kampo ang NPA fighters habang umuusad ang localized peace talks.

Sinabi ni Sec. Roque na kailangang aprubado ng Cabinet security cluster ang anumang kasunduang papasukin ng LGU’s sa mga komunistang grupo.

“The door for peace talks remains open provided that PRRD’s conditions are met: in country, no collection of revolutionary tax, no hostilities, NPA fighters to remain encamped, and no coalition government,” ani Sec. Roque. “Meanwhile, localized peace talks may be pursued by local LGU’s provided they do not concede any aspect of governance and pursuant to guidelines to be agreed upon by the cabinet cluster on security.”

Sa kabilang dako, batid naman ng Malakanyang na nagsagawa na ang ilang local government officials ng localized peace talks na nagresulta ng pagsuko ng ilang miyembro ng rebeldeng grupo.

Sa katunayan, nagresulta na aniya ito ng pagsuko ng mga rebel fighters sa Davao region. (Kris Jose)