Manila, Philippines – Sinuportahan ng isang senador ang panukalang localized peace initiatives sa rebeldeng New People’s Army (NPA) upang tapusin na ang deka-dekadang sagupaan ng military at rebeldeng grupo.
Sa kanyang pahayag kahapon, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na mas mabilis at menos gastos ang local peace initiatives na pamamaraan na makikipag-usap sa mga rebeldeng komunista.
“Una, maliwanag naman na walang control si Joma Sison sa mga guerrilla fighters ng CPP/NPA,” ayon kay Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na magkakaiba ang sitwasyon at puwersa ng rebeldeng komunista sa kanayunan kaya nararapat na iba’t-ibang paraan din ang gagamitin sa peace talks.
“Pangalawa, iba-iba naman ang sitwasyon at pwersa nila sa ibat-ibang lalawigan at rehiyon, kaya dapat lang na iba-iba rin ang trato sa mga ito,” aniya.
Ayon pa kay Lacson, mas alam ng local na pamahalaaan ang mga pangangailangan ng mga rebelde sa kani-kanilang lugar, at pwede silang kumuha ng mga malalapit na kamag-anak o kaibigan na maaaring mamagitan sa magkabilang panig.
“Mas alam din nila ang mga kapaki-pakinabang na pangangailangan ng mga rebelde kung sakaling magbalik-loob sila sa pamahalaan,” aniya.
Aniya, kailangan lang may maliwanag na guidelines at parameters na susundin sas pakikipag-usap na gagawin ng bawat lokal na pamahalaan.
“Kasama siyempre dito ang ibayong ayuda at supervision ng central government,” paliwanag niya.
Kamakailan, ipinatigil ni Pangulong Duterte ang peace initiatives sa rebeldeng komunista matapos sunod-sunod na tambangan ng NPA ang ilang kampo ng sundalo at pulisya sa ilang lugar.
Sa halip na isulong ang peace talks, inihayag pa ni Joma Sison na kailangan nang patalsikin si Pangulong Duterte. (Ernie Reyes)