Lola, 4 pa binitbit sa Malabon buy bust

Lola, 4 pa binitbit sa Malabon buy bust

December 6, 2022 @ 12:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Swak sa loob ng rehas na bakal ang limang drug suspects, kabilang ang isang 63-anyos na biyuda matapos matimbog sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong ala-una ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Juliana Street, Brgy Potrero.

Agad inaresto ng mga operatiba si Angelica Velasco alyas “Ara”, 27, at Virginia Mallo alyas “Virgie”, 63, widow, matapos bintahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer, kasama si Eugenio Darwin Ellares alyas “Joko”, 41, (user/listed) na sinasabing parokyano ng dalawa.

Nakumpiska sa mga suspek ang walong small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng abot 3 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P20,400 at marked money.

Nauna rito, nabitag naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Mc Arthur Hi Way corner Riverside, Brgy. Potrero, dakong alas-3:30 ng madaling araw si Mary Ann Mallo alyas “Ann”, 31, at Louelle Faith Flores, 23.

Nasamsam sa kanila siyam small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 7.1 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P48,280 at P500 buy bust money.

Ani PSSg Kenneth Geronimo, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Boysan Buenaventura)