Lola, manugang patay sa kawatang menor de edad

Lola, manugang patay sa kawatang menor de edad

April 27, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


BOGO CITY, Cebu- Patay ang isang lola at manugang nito matapos silang pasukin at pagsasaksakin ng menor de edad na suspek na adik sa online gaming nitong Martes sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga biktimang si Cerila Abacial Francisco, 62, at manugang na si Mary Ann Francisco, 39, pawang mga residente sa Purok Bansay-Bansay, Barangay Nailon, Bogo City.

Tugis naman ng pulisya ang 15-anyos na suspek itinago sa pangalan Dodoy at residente sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Bogo Police Station, naganap ang krimen Martes ng madaling-araw sa loob ng tahanan ng mga Francisco sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, nagising si Mary Ann ng marinig ang mga kaluskos sa loob ng bahay at nakita ang suspek na naghahalungkat ng kanilang mga kagamitan.

Nagawang sumigaw ni Mary Ann para humingi ng tulong subalit pinagsasaksak siya sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sunod naman nagising si Cerila at nagsisigaw rin ng tulong subalit pati siya ay pinagsasaksak rin sa iba’y ibang parte ng katawan na agad nitong ikinasawi.

Ilang kapitbahay naman ang nakarinig sa paghingi ng tulong ng mga biktima kaya mabilis silang nagtungo sa bahay ng mga ito.

Dito, nakita nila ang suspek at positibong kinilala subalit mabilis na nakatakas sa hindi malamang direksyon.

Base sa talaan ng Women and Children’s Protection Desk-Bogo Police, kasabwat ang suspek sa isang pagnanakaw kasama ang kanyang mga tropa pero pinalaya rin ito ng Department of Social Welfare and Development.

Ayon naman sa mga magulang suspek lulong online game ang kanilang anak (suspek) at nagawa nito ang karumal-dumal para may panggastos sa kanyang bisyo./Mary Anne Sapico