Lola natumbok ng motorsiklo, patay

Lola natumbok ng motorsiklo, patay

December 6, 2021 @ 5:40 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Patay ang isang 61-anyos na lola nang matumbok ng motorsiklo sa Caloocan City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Quezon City General Hospital (QCGH) si Marietta Benebice, walang hanapbuhay, huling nanirahan sa 16 G. De Jesus St., Bagong Barrio, ng lungsod.

Itinakbo rin sa nasabing ospital ang napinsala ring suspek na si Ernesteo Pagurigan Jr., 30, manager, ng 86 C. Talibu St., San Pascual, Obando, Bulacan na haharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente alas-4 ng madaling araw nitong Linggo, sa eastbound lane ng EDSA, tapat ng Hino Trucking Corp., Barangay 87, Caloocan.

Binabagtas umano ng suspek na lulan ng motorsiklong may plakang TAB-312 ang EDSA patungong Balintawak, Quezon City nang matumbok ang biktimang tumatawid.

Tumilapon ng ilang metro ang biktima habang bumagsak din sa kalsada ang suspek at kapwa itinakbo sa Caloocan City Medical Center ngunit inilipat sa QCGH.

Sa kasamaang palad ay idineklarang patay ng attending physician na si Dr. Maureen Ramitere si Benebice alas-10:49 ng umaga ng nabanggit na petsa. Merly Iral