Lola patay, 17 sugatan sa ‘killer’ van

Lola patay, 17 sugatan sa ‘killer’ van

January 24, 2022 @ 8:56 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang 63-anyos na lola habang sugatan ang 17 iba pa sa aksidenteng naganap sa Ibajay, Aklan noong nakaraang Biyernes.

Sa ulat ni Police Corporal Daniel Morris Galano, bandang alas-sais ng umaga ng Biyernes, Enero 21 naganap ang aksidente matapos na tangkaing mag-overtake ng isang van na may lamang pasahero ang isang tricycle.

Hindi inakala ng drayber na may nakaparadang pickup truck sa kabilang linya dahilan para masagi ito at mangyari na ang aksidente.

“Iniwasan niya ‘po ‘yung nakaparadang pickup truck, tapos ‘pag biglang kabig niya po pakaliwa, biglang tumama po ‘yung pwetan ng van doon sa nakaparadang pickup truck, tapos ‘yun na po ‘yung naging sanhi ng kanya pong hindi nakontrol at nagpaikot ikot po ng ilang beses,” anang pulis.

Hindi naman kinilala ang nasawing lola, pero kabilang sa 17 sugatan ang tatlong bata na dinala sa provincial hospital sa Kalibo, Aklan.

Apat na pasahero ang naka-confine pa rin sa ospital kung saan tatlo rito ay nagpositibo sa COVID-19 kabilang na ang isang bata.

Hindi naman makauwi pa ang ibang pasahero dahil sila ay pawang mga close contacts kaya sila ay naka-isolate.

Tumakas ang drayber ng van na kinilalang si Feljun Caberoy na kasalukuyan nang pinaghahanap ng kapulisan. RNT