Lola patay sa obrero dahil sa away-lupa

Lola patay sa obrero dahil sa away-lupa

July 6, 2022 @ 1:41 PM 1 month ago


BARILI, Cebu- PATAY ang isang 74-anyos na lola matapos barilin ng construction worker dahil umano sa lupang kanilang binabantayan Martes sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Melchora Aligato Bayadog, caretaker, habang tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Joel Saplaag, 42, caretaker at kapwa residente sa Sitio Malingin Brgy. Gunting, Barili, Cebu.

Ayon kay Staff Sergeant Erwin Alviso, imbestigador sa Barili Police Station, dakong 5:15 AM naganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, gumising ang biktima para sana maghanda na kanilang almusal ng biglang sumulpot sa may bintana ang suspek.

Dito, walang babalang pinagbabaril ang biktima sa likod na tumagos sa dibdib na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Kuwento ng asawa ng biktima na si Cresencio, 72, bago ang insidente nagtalo ang kanyang misis at suspek dahil sa lupang kanilang binabantayan sa nasabing lugar.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo ng .45 kalibre na baril./Mary Anne Sapico