Lola pinatay sa loob ng tindahan, binatilyo sugatan

Lola pinatay sa loob ng tindahan, binatilyo sugatan

January 17, 2021 @ 2:12 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

ZARAGOSA, Nueva Ecija Patay ang isang 65-anyos na lola habang nadamay at nasugatan ang isang binatilyo makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki na nagkunwaring mga kostumer sa isang sari-sari store sa Benitez Subdivision, Barangay Concepcion ng bayang ito noong Sabado ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Julie Ramos, 65, may-asawa ng nasabing lugar na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Isinugod naman sa isang pagamutan sa Cabanatuan City ang nadamay na binatilyo, kinilalang si Jonathan Bahala, 14, ng nasabi ring barangay, noo’y bumibili lang ng load sa tindahan ng biktima.

Ayon sa pulisya, bandang 6:50 ng gabi noong Sabado, nasa loob ng kanyang tindahan ang biktima nang isang motorsiklo ang huminto sa harap nito at bumaba ang dalawang naka-helmet na lalaki.

Ito na pala ang dalawang berdugong tutuldok sa buhay ng biktima. Nagkunwaring bibili lang ng sigarilyo ang dalawang suspek at nang aabutan na ng biktima ay rito na binoga ang matanda.

Agad nagsitakas ang mga suspek pa-kanlurang direksyon o patungo sa lalawigan ng Tarlac sakay ng isang hindi naplakahang motorsiklo.

Narekober sa crime scene ng 2 basyo ng cal.45 pistol; 3-basyo ng cal. 9mm; 2 deformed fire bullet at 2 metal fragment.

Patuloy pang nangangalap ng ebidensya ang pulisya upang makilala ang mga salarin at matukoy ang motibo sa pagpatay. Ver Sta. Ana


  •  
  •  
  •