Lola sinunog ng kaanak; away-relihiyon sinisilip na motibo

Lola sinunog ng kaanak; away-relihiyon sinisilip na motibo

September 1, 2022 @ 10:52 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Base sa pag-iimbestiga ng pulisya sa kagimbal-gimbal na insidente ng pagsunog sa isang 84-anyos na lola ng kanyang sarili mismong kaanak sa Balingasag, Misamis Oriental, tinigtinang motibo sa krimen ang posibleng away sa relihiyon.

Kinilala ni PCol. Gonzalo Villamor Jr., officer-in-charge ng Misamis Oriental Provincial Police Office ang biktimang si Teofila Camungay at ang isa sa mga suspek na apo nitong si Crisanto Ercilla.

Sa pag-iimbestiga, sinabi ni Villamor na nagalit umano si Camungay kay Ercilla dahil ninais umano nito na magtayo  ng sarili nitong paksyon ng kanilang kinabibilangang relihiyon.

Dagdag pa ni Villamor na tila nawala sa pag-iisip si Ercilla bunsod umano ng espiritu na nag-udyok sa kanya na gawin ang krimen.

“Meron daw spirit na nagsabi sa kanya, ang bibigyan ng verdict itong si lola through pagpatay sa apoy, sunog, so parang na-hypnotize na tong si Crisanto na siyang tumatayong lider during that ritual,” ani Villamor.

Mistulang pelikula naman ang mga sumunog na eksena na tinawag nilang pamandong kung saan si Ercilla maging ang iba pang mga kaanak nito ay nagsasalita ng Latin saka binuhat ang biktima at tinapon sa apoy.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang posibleng kinalaman ng organisasyong kinabibilangan ng pamilya sa pangyayari, pero sa ngayon ay tanging ang mga miyembro lang ng pamilya ang kinasuhan  ng parricide. RNT