Lola todas sa araro ng SUV

Lola todas sa araro ng SUV

February 26, 2023 @ 4:08 PM 4 weeks ago


Bulacan – Patay ang isang ginang matapos masagasaan ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) sa harap ng palengke sa bayan ng Guiguinto.

Kinilala ang naarestong driver ng SUV na si Avelino Badillo IV, binata, abogado, at residente ng San Francisco Del Monte, Quezon City habang ang biktimang babae ay tinatayang nasa edad 55 hanggang 60 anyos.

Sa report ng Guiguinto police, naganap ang insidente bandang 7:40 ng umaga nitong Linggo, Pebrero 26, sa Cagayan Valley Road, Brgy. Sta. Rita.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng suspek lulan ng Toyota Fortuner ang naturang lugar patungong Plaridel nang maipit ang kanyang tsinelas sa pidal ng silinyador.

Dahil dito, aksidenteng nasagasaan ng suspek ang biktimang pasakay sana ng pampasaherong dyip na agarang ikinamatay nito.

Dinala na ang biktima sa kalapit na punerarya habang ang suspek ay isinama ng mga awtoridad sa Bulacan Medical Center para sa medical/physical examination bago humarap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III