Lolang nanlaban kinatay ng magnanakaw

Lolang nanlaban kinatay ng magnanakaw

February 6, 2023 @ 5:04 PM 2 months ago


Bulacan – Patay ang 72 anyos na babae matapos manlaban at walang awang pagsasaksakin ng hindi pa nakilalang lalaking nanloob sa kanyang tindahan sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Nakikala ang biktima na si Pablea Cubero, 72, sari-sari store owner, senior citizen at residente ng Brgy. Gaya-gaya habang hindi pa kilala ang tumakas na lalaking suspek.

Sa report ng pulisya, nangyari ang karumal-dumal na krimen bandang alas-6 ng gabi nitong Pebrero 2 sa naturang lugar.

Ayon sa report, may isang lalaking pumasok sa tindahan ng biktima na nagkunwaring kostumer at biglang nagdeklara ng holdap.

Sapilitang kinukuha ng lalaki ang pinagbentahan ng tindahan subalit nanlaban ang biktima nang biglang pagsasakin ito at mabilis na sumibat sa lugar.

Sinasabing isang saksing kostumer ang nakakita sa nangyari na agad humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay at sa mga awtoridad.

Agad dinala ng Brgy. Rescue ang biktima sa pinakamalapit na ospital subalit patay na ito dahil sa anim na tinamong malalim na saksak.

Patuloy ang follow up operation at imbestigasyon ng pulisya para mahuli ang suspek habang ang bangkay ay dinala sa punerarya para sa autopsy examination. Dick Mirasol III