Lolang nawawala natagpuang naaagnas

Lolang nawawala natagpuang naaagnas

May 17, 2022 @ 3:14 PM 1 month ago


BULACAN – Isang naaagnas na bangkay ng matandang babae ang natagpuan ng security guard sa bangin sakop ng planta ng semento sa bayan ng Norzagaray.

Nakilala ang bangkay na si  Frimativa Cruz, 78, residente ng Sitio, Obrero, Barangay Minuyan.

Sa report ng Norzagaray police, natagpuan ang bangkay bandang alas-12:30 ng tanghali nitong Lunes, Mayo 16, sa bisinidad ng Republic Cement Building Materials Inc (RCBMI).

Ayon sa impormasyon, isang tawag sa telepono ng isang security guard ng RCBMI na nagsabing may natagpuang naaagnas na bangkay sa kanilang lugar.

Dahil dito,agad na pumunta ang mga awtoridad kasama ang ilang tanod sa lugar hanggang sa matagpuan ang nangangamoy at naaagnas na bangkay.

Isang empleyado ng RCBMI at ilang kaanak ang positibong kinilala ang bangkay na si aling Frimativa na umano’y Marso 23 pa nang napaulat na nawawala.

Sinasabing ang biktima, na mayroong problema sa pag-iisip, ay madalas dumaan sa lugar  kung saan posibleng nahulog sa mabatong bangin na may lalim na 20 hanggang 30 talampakan.

Naniniwala naman ang kaanak ng biktima na aksidente ang ikinamatay ng biktima. Dick Mirasol III