Lolit, dedma kay Shirley Kuan, nangakong dedma na rin kay Bea!

Lolit, dedma kay Shirley Kuan, nangakong dedma na rin kay Bea!

October 14, 2022 @ 12:00 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Wala tayong aasahang ganting sagot mula kay Lolit Solis bilang reaksyon sa pahayag ni Shirley Kuan.

Si Shirley o SK kung tawagin ay co-member ni Lolit sa PAMI, ang grupo ng mga artist manager sa bansa.

Sa isang ekslusibong panayam ng PEP, nagsalita na sa wakas ang manager ni Bea Alonzo, ang aktres na laman ng mga pinagsusulatang tabloid ni Lolit (hindi ang Remate Online).

Sa naturang interview, “bully” kung tawagin ni Shirley si Lolit na sadya niyang hindi binabanggit ang pangalan.

Iginiit ni Shirley na walang kinalaman si Bea sa ‘di pag-imbita kay Lolit at sa dalawa pang reporter sa event ng ineendorsong produkto ng aktres.

Kaya raw nagtataka si Shirley kung bakit si Bea ang inaatake ni Lolit.

Paglilinaw pa niya, nagsimula raw tirahin ni Lolit ang kanyang alaga noong lumipat ito sa GMA.

Ang ginagawa raw niya kay Bea ay pagtupad lang sa kanyang tungkulin na protektahan ang alaga.

Mapapansing maganda at mahinahon kung magsalita si Shirley.

May mga pagkakataon ding gumagamit ito ng wikang Ingles to prove her point.

Dati pala kasing namalagi sa Amerika si Shirley at nakapagtrabaho sa corporate world.

Samantala, tinatawagan daw si Lolit ng mga taong gustong hingin ang kanyang reaksyon sa mga pahayag ni Shirley.

Pero tumanggi si Lolit dahil aniya’y baka raw magkamali pa siya sa Ingles.

Bagama’t idinaan niya sa biro, aniya’y humahanga siya kay Shirley sa galing nitong magsalita kumpara sa kanya na isang jologs.

Hanga rin daw siya sa kapwa manager sa pagkakaroon ng mga alagang posibleng makaungos pa sa narating ng mga talents niya.

Tinawag ni Lolit na mga superstar ang mga artistang hawak ni Shirley.

Bago rito, isinulat ni Lolit sa kanyng tabloid column ang tungkol sa phone convo niya sa mismong publisher ng mga diyaryong pinagsusulatan niya.

Nangako raw si Lolit sa publisher na titigilan na raw niya ang pagbira kay Bea.

Kaya? Ronnie Carrasco III