Lolo, dedo sa aksidente sa Quezon

Lolo, dedo sa aksidente sa Quezon

November 27, 2022 @ 7:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kaagad na binawian ng buhay ang isang 70 anyos na lolo, samantalang limang pasahero ang sugatan kabilang ang dalawang taon gulang na batang lalaki makaraang mabangga ang sinasakyang tricycle ng isang shuttle van sa kahabaan ng Maharlika Highway Road sa bayan ng Gumaca, Quezon.

Kinilala ng Gumaca PNP ang nasawing lolo hinggil sa mga tinamong serious physical injury sa ibat-ibang bahagi ng katawan na kaagad na binawian ng buhay habang isinusugod sa San Diego Hospital na si Victorino Delos Santos Calvelo 70, naninirahan sa Barangay Camohaguin ng naturang lalawigan.

Samantalang, ginagamot sa Gumaca District Hospital at RAKK Hospital ang limang sugatan na sina Danbert Caparros 2, Aillen Villapando 35, Senen Amolar 69, Jose Amolar 58, at ang driver ng tricycle na si Jacinto Huin 49 pawang nakatira sa nabanggit na lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya dakong alas-3 ng hapon habang ang mga biktima ay lulan ng tricycle na tinatahak ang patungo sa direksyon ng Bicol, kung saan pagdating sa opposite direction ay bigla umanong nawalan ng control ang minamanehong shuttle van ni Jeremie Masayon 37, residente ng Tanauan City, Batangas.

Ang driver ng shuttle van na si Masayon ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Gumaca Police Station at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, damage to property, at multiple serious physical injury. Ellen Apostol