Lolo na nanuntok ng bata patay sa suntok ng ama

Lolo na nanuntok ng bata patay sa suntok ng ama

July 14, 2021 @ 1:20 PM 1 year ago


DANAO, CEBU- PATAY ang isang lolo makaraan suntukin ito ng ama ng batang kanyang sinuntok nang magkasalubong ang mga ito sa daan iniulat kaninang umaga sa lungsod na ito.

 Kinilala ang nasawi na si Lucrisio Yparraguirre, 60-anyos, habang kusa naman sumuko sa pulisya ang suspek na kinilalang si Giovanni Avila, 44, janitor, at kapwa residente sa Sitio Agbate, Barangay Suba, Danao City.

Batay sa report ng Danao Police Station, dakong 7:00 PM ng Lunes naganap ang insidente sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, bago ang pangyayari, inutusan ng suspek ang 10-anyos nitong anak na lalaki sa tindahan para bumili ng bigas.

Ilang minuto ang makalipas, nanginginig sa takot ang anak ni Avila na umuwi sa kanilang bahay at nagsumbong sa ama na tinakot siya ni Yparraguirre saka sinuntok.

Umusbong ang galit ng suspek at sinugod nito ang lasing na biktima saka sinuntok na tinamaan sa panga dahilan para matumba ito at tumama ang ulo sa sementadong imburnal.

Isinugod naman sa ospital ang biktima pero dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

 Nakatakda naman sampahan ng kaukulang kaso laban sa suspek./Mary Anne Sapico