Lolo na PWD pinagsasaksak ng babae sa Malabon, utas

Lolo na PWD pinagsasaksak ng babae sa Malabon, utas

August 26, 2022 @ 11:02 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang lolo na Person With Disability (PWD) matapos pasukin at pagsasaksakin ng isang babae sa loob ng bahay ng biktima sa Malabon City, Huwebes ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa San Lorenzo Ruiz Hospital sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktima na kinilala bilang si Joel Tud, 67, at residente ng Block 6, Lot 6, SAPADACA, Sitio 6, Barangay Catmon.

Kinilala naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek bilang si Beverly Sagansay, 31, businesswoman at residente No. 356 Feliciano Street, Barangay Arkong Bato, Valenzuela City na nahaharap ngayon sa kaukulang kaso.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Michel Oben, dakong ala-1:30 ng hapon nang makita ng saksing si Zaldy Tusi, 52, na pumasok ang suspek sa bahay ng biktima at sa hindi malaman na dahilan ay biglang inundayan nito ng ilang saksak sa katawan ang matanda.

Kaagad na humingi ng tulong ang saksi sa kanilang mga kapitbahay at pinagtulungan nila na madakip ang suspek habang isinugod naman ang biktima ng kanyang anak sa nasabing pagamutan subalit, idineklara itong dead on arrival.

Mabilis namang rumesponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng Sub-Station 4 saka inaresto ang suspek at narekober sa kanya ang isang kitchen knife na ginamit sa pananaksak habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. Boysan Buenaventura