Lolo naghuramentado; nanaksak ng kapitbahay, tanod sa Bulacan

Lolo naghuramentado; nanaksak ng kapitbahay, tanod sa Bulacan

October 11, 2022 @ 3:57 PM 2 months ago


Bulacan – Arestado ang isang lalaking 64-anyos na biglang naghamon ng away, nanghabol, nanaksak ng kapit-bahay at rumespondeng barangay tanod sa bayan ng Marilao.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Joselito de Dios, jobless habang ang biktimang kapitbahay ay si Jayson Del Rosario, 35, bet taker, kapwa residente ng Brgy. Abangan Sur.

Sa report ng Marilao police, nangyari ang insidente bandang alas-9 ng umaga nitong Oktubre 10 sa Sandico St. Brgy. Abangan Sur.

Ayon sa report, sa hindi malamang dahilan ay biglang hinamon ng suntukan ng suspek ang biktimang kapitbahay.

Hindi naman pinatulan at inisnab na lamang ng biktima ang hamon na lalo umanong ikinagalit ng matandang suspek.

Sa tindi ng galit, hinabol niya ang biktima kasabay ang pagbunot ng kutsilyo sa baywang at sinaksak ito, subalit naka-iwas at tuluyang nakatakas ang kapitbahay.

Dahil dito, humingi ng saklolo sa kanilang barangay ang biktima kaya agad rumesponde ang dalawang Tanod na sina Arnaldo Cruz at Macario Gatchalian sa lugar.

Imbes na mapayapang sumama ay muling bumunot ng kutsilyo at sinaksak ang Tanod na si Arnaldo na nakailag hanggang sa pagtulungan nilang daknain ni Macario ang suspek kaya ito naaresto.

Nahaharap ang suspek sa kasong Attempted Homicide at Direct Assault habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III