Lolo nahagip ng tren sa Maynila

Lolo nahagip ng tren sa Maynila

October 10, 2022 @ 3:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kritikal ang isang senior citizen matapos mahagip ng rumaragasang tren ng Philippine National Railways o PNR sa San Andres, Manila Lunes ng umaga, Oktubre 10.

Ayon sa Manila Traffic Enforcement Unit, patuloy pang inaalam ang pagkakilanlan ng biktima na nananatiling “unconscious”, nasa edad 50 hanggang 60 at may taas na 5’5 hanggang 5’9.

Katamtaman ang pangangatawan ng biktima, nakasuot ng blue jacket at camouflage short pants.

Sa inisyal na imbestigasyon at batay sa pahayag ni PNR Train Marshal Kevin Cayampat, bitbit umano ng biktima ang mga nakolektang kalakal at patawid ng riles ng tren nang aksidenteng mahagip ang bitbit na kalakal ng biktima.

Nagresulta ito sa pagtilapon ng matanda na nagtamo ng sugat sa mukha at kaliwang braso.

Agad namang naisugod sa Sta. Ana Hospital upang malapatan ng lunas ngunit hanggang ngayon ay nanatili pa rin itong walang malay. Jocelyn Tabangcura-Domenden