Lolo nalaslasan ng leeg sa kainuman

Lolo nalaslasan ng leeg sa kainuman

October 22, 2022 @ 12:19 PM 1 month ago


NAGA CITY, Cebu- Halos maputol ang leeg ng isang lolo matapos tagpasin ng kanyang kainuman ng hindi magkaintindihan dahil sa kalasingan nitong Huwebes, Oktubre 20 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Alfredo Alferez, 74, biyudo, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Joanne Omayan, 39, at kapwa residente sa Sitio Ugan 1, Brgy. Lutac Naga City.

Batay sa report ng Naga City Police Station, bandang 7:30 PM nagana ang krimen sa bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang dalawa ng mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap.

Dahil sa sobrang kalasingan, kumuha ng itak ang suspek at tinagpas ang leeg ng biktima saka mabilis na tumakas.

Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Agad naman nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya at pagsapit ng alas-11 ng gabi, naaresto ang suspek na ngayon ay nakakulong sa lock-up cell ng Naga City PNP.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder. Mary Anne Sapico