Lolo nanuhol ng P200K sa parak, swak sa selda

Lolo nanuhol ng P200K sa parak, swak sa selda

February 26, 2022 @ 11:40 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Himas-rehas ngayon ang sinapit ng isang lolo matapos na suhulan ng malaking halaga ang pulis na dumakip sa kanyang anak na babae na nahaharap sa kasong estafa at robbery extortion kaninang tanghali sa nasabing lungsod.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Remus Medina ang dinakip na si Donato De Jesus, 61 anyos, residente ng Tanza Uno, Navotas City.

Base sa ulat, pasado 12:10 ng hapon (February 24), nang maganap ang panunuhol umano ni Donato sa loob ng tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Nauna rito, nitong Pebrero 23, bandang 1:30 ng hapon nang madakip ng mga awtoridad ang anak ng suspek na nakilalang si Katherine dahil sa kasong estafa at robbery (extortion) sa Bignay St., Brgy. Quirino 2C Project 2, Q.C.

Lumalabas na bandang 4:00 ng hapon ay dumating si Donato sa CIDU upang asisitihan ang kaniyang anak na dinakip at habang pinoproseso ang arrest at booking sheet ay nag-alok si Katherine ng halagang P200,000 kay PSSG Alvin Quisumbing kapalit nang pagtanggal ng kasong Robbery (Extortion) laban sa kaniya subalit tinanggihan ito ng pulis.

Kinabukasan bandang 12:00 ng tanghali (February 24), ay bumisita muli si Donato sa kaniyang anak na nakakulong sa CIDU at muling kinausap at inalok si Quisumbing ng P200,000 para alisin ang reklamong Robbery (Extortion) laban kay Katherine.

Muli ay tinanggihan ni Quisumbing ang inaaalok na malaking halaga ni Donato pero nagulat na lamang ang pulis nang buksan sa harapan niya ang brown envelope saka ipinakita ang nasabing halaga at pilit na iniabot sa harap nang nabiglang pulis.

Dahil dito ay agad na inaresto ni Quisumbing si Donato at kinumpiska ang perang pilit na iniaalok at isinusuhol sa kaniya.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong Corruption of Public Official sa ilalim ng Art. 212, RPC. Jan Sinocruz