Lolo nilapa ng alagang baboy-ramo, patay

Lolo nilapa ng alagang baboy-ramo, patay

February 16, 2023 @ 10:41 AM 1 month ago


DOLORES, Quezon- NAKAHANDUSAY at wala ng buhay ng matagpuan sa damuhan ang 64-anyos na lolo matapos lapain ng kanyang alagang baboy-ramo nitong Martes sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Ricardo Mendoza, at residente ng Brgy. Manggahan, Dolores Quezon.

Batay sa report ng Quezon Police Provincial Office, bandang 8:00 AM nitong nakalipas na Valentines day, umalis ng kanilang bahay ang biktima at nagtungo sa Purok Centro, Barangay Manggahan ng naturang bayan para pakainin ang alaga niyang baboy-ramo.

Subalit, pagsapit ng 7:30 PM nakatanggap ng tawag ang mga awtoridad hinggil sa nakahandusay na bangkay ng biktima sa nasabing lugar katabi ang alaga nitong baboy-ramo na nakatali sa punong kahoy.

Sa isinagawang post-mortem examination ng Municipal Health Officer (MHO) ng Dolores nakitaan ng malaking kagat sa hita ng baboy ramo at posibleng naubusan na ito ng dugo na naging sanhi ng kanyang kamatayan./Mary Anne Sapico