Lolo, patay matapos mabangga ng truck sa Pasay

Lolo, patay matapos mabangga ng truck sa Pasay

July 4, 2018 @ 8:32 AM 5 years ago


 

Pasay City – Patay ang isang lolo na namimisikleta sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Pasay City matapos siyang mabangga ng truck kagabi.

Ayon sa report ng Pasay Traffic, wala pang pagkakakilanlan ang matanda na hinihinalang nasa edad 60-anyos.

Sa ulat, tinatahak daw ng truck diver na kinilalang si Orlando Agustin Jr. ang southbound lane ng Roxas Boulevard pasado alas-8 ng gabi habang patungong Batangas.

Nang paakyat na siya sa EDSA flyover, napansin niya na parang may natamaan siya sa kaliwang bahagi ng minamanehong truck.

Agad niya itong sinilip at nakitang natamaan niya ang biktima.

Nagbibisikleta umano ang biktima sa lane malapit sa center island nang mangyari ang aksidente.

Hindi na umabot ng buhay ang matanda matapos siyang isugod sa San Juan De Dios Hospital.

Posibleng maharap ang truck driver sa sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasay Traffic.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na mahigpit na ipinagbabawal ang bisikleta, traysikel o kuliglig sa mga national road tulad ng Roxas Boulevard. (Remate News Team)