Lolo patay pulis sugatan sa barilan

Lolo patay pulis sugatan sa barilan

October 3, 2022 @ 2:48 PM 2 months ago


GUINAYANGAN, Quezon- Inaalam na ng mga awtoridad kung ‘duwelo’ ang nangyaring barilan na ikinasawi ng isang lolo at ikinasugat ng pulis nitong Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang namatay na si Edgardo Relado, 66-anyos, at residente ng Brgy. Gapas, Guinayangan, Quezon.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang pulis na kinilalang si PSMS Randel Pulutan, 51, residente ng San Pablo City, Laguna at naka-assigned sa Regional Health Unit ng PRO-4A sa Camp Vicente Lim, Calamba City.

Sa paunang imbestigasyon ng Guinayangan Municipal Police Station, dakong 8:45PM, naganap ang insidente sa nasabing lugar.

Nabatid, nag-iinom ng alak sa terrace sa isang bahay si Pulutan sa naturang lugar ng dumating si Relado.

Ilang minuto ang makalipas nakarinig na lamang ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga residente kaya agad nilang inaalam ang pinagmulan ng mga putok.

Nakita na lamang nilang nakabulagta si Relado na naliligo sa sariling dugo at wala ng buhay sanhi ng mga tama ng bala sa dibdib habang wala naman malay si Pulutan na may tama ng bala sa hita.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) PNP-Quezon nakapulot sila ng 2 kalibre .45 baril at apat na basyo.

Kwento ng mga residente matagal ng may alitan sina Pulutan at Relado. Mary Anne Sapico