Lolo patay sa kumalas na gulong

Lolo patay sa kumalas na gulong

November 28, 2021 @ 12:45 PM 2 months ago


TAGKAWAYAN, QUEZON- Dedbol ang isang lolo matapos itong masapol ng kumalas na gulong ng trak habang minamaneho ang kanyang motorsiklo, iniulat kahapon ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ang biktima na si Felipe Zara, 63-anyos, at residente ng nasabing bayan habang nadakip naman ang suspek at driver ng truck na kinilalang si Freddie Fuentes, 37-anyos.

Batay sa report ng Tagkawayan Police Station, naganap ang insidente sa kalsadang sakop ng nabanggit na bayan.

Lumabas sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang motorsiklo habang nakasalubong naman ng truck na minamaneho naman ni Fuentes patungong Bicol.

Subalit, aksidenteng kumalas ang gulong ng truck at gumulong ito sa kabilang linya hanggang sa inabot si Zara.

Dahil dito, sumemplang ang biktima sa kanyang motorsiklo at tumama ang ulo nito sa sementadong kalsada.

Dinala naman sa ospital ang biktima pero dineklara na rin itong patay ng umatending doctor.

Kasalukuyan naman nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico