Lolo patay sa salpok ng ambulansya

Lolo patay sa salpok ng ambulansya

September 7, 2022 @ 8:10 AM 4 weeks ago


NEGROS OCCIDENTAL- Patay ang isang lolo habang sugatan ang apo nito matapos araruhin ng ambulansya ang sinasakyan nilang e-trike nitong Lunes sa bayan ng La Castellana.

Kinilala ang nasawi na si Emeterio Ordas, 72-anyos, e-trike driver habang sugatan ang 12-anyos na apo na si Julius, 12-anyos at kapwa residente sa nasabing lugar.

Nakakulong naman sa lock-up cell ng La Castellana Municipal Police Station ang suspek at driver ng ambulansya na kinilalang si Jether Yutob, 44-anyos, ng Barangay Camp Clark, Isabela .

Batay sa report ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi naganap ang insidente sa Hacienda Layagon road, Barangay Lalagsan, La Castellana.

Ayon kay Police Master Sgt. Polen Jabagat, traffic investigator ng La Castellana Municipal Police Station, pauwi na sana ang maglolo sa kanilang bahay habang nakabuntot sa kanilang likuran ang ambulansya.

Bigla na lamang silang araruhin ni Yutob dahilan para tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng mga pinsala sa katawan.

Dinala naman sa ospital ang maglolo subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga ang matandang Ordas.

Sinabi pa ng pulisya na galing na naghatid ng pasyente sa La Carlota City ospital suspek at pabalik na ito sa bayan ng Isabela.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries at damage to property ang suspek. Mary Anne Sapico