Lolo patay sa utang

Lolo patay sa utang

November 19, 2022 @ 2:31 PM 1 week ago


CAGAYAN DE ORO CITY –Patay ang 62-anyos na lolo matapos pagtatagain ng kanyang kapitbahay dahil sa hindi nito nabayarang utang na pera sa huli, kagabi, Nobyembre 18 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Galenciano Geron Jr., habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Dannyboy Daing, nasa hustong gulang at kapwa residente sa Tomasaco, Brgy Nazareth, ng naturang lungsod.

Ayon kay Major Allan Cairel, Nazareth Police Station commander , naganap ang krimen sa nasabing lugar.

 Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, matagal na umanong hindi nababayaran ng biktima ang P30,000.00 utang nito sa suspek.

Sa galit ng suspek, bigla na lamang itong kumuha ng itak na 23 pulgada ang haba at pinagtataga sa  iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen tinangka pang tumakas ng suspek subalit hindi na ito nagawa pang makatakbo sa mga rumespondeng pulis.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Nazareth Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong murder. Mary Anne Sapico