Lolo pinagbabaril sa Malabon, dedbol

Lolo pinagbabaril sa Malabon, dedbol

February 26, 2023 @ 3:18 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang 78-anyos na lolo matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa Malabon City, Linggo ng umaga, Pebrero 26.

Nalagutan ng hininga sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa likod ang biktima na kinilala bilang si Reynold Zuniega, 78, biyudo ng No. 469 Aljiezera, Sampaloc, Manila.

Sa report nina PSSg Bengie Nalogoc at PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-5:58 ng umaga nang maganap ang insidente sa Borja Street, Barangay Baritan, ng lungsod.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima gamit ang dalawang tungkod sa kahabaan ng C. Arellano Street nang sundan ng suspek at pa-traydor na binaril sa likod subalit, hindi tinamaan.

Kahit hirap maglakad ay pinilit ng biktima na tumakbo patungo sa Borja Street subalit, hinabol siya ng suspek at muling pinagbabaril ng apat na beses sa likod na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon dala ang ginamit na baril habang narekober ng pulisya sa crime scene ang apat na basyo ng cal. 45 baril at dalawang tungkod gamit ng biktima.

Patuloy naman ang follow-up na imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek na nasa 30 ang edad, nakasuot ng itim na jacket na may hood, pulang t-shirt at itim na jogging pants habang inaalam pa ang tunay na motibo sa pagpatay sa biktima. Boysan Buenaventura