Lolo pinagtataga dahil sa away sa lupa

Lolo pinagtataga dahil sa away sa lupa

September 10, 2022 @ 8:44 AM 3 weeks ago


ILOCOS SUR – Nasa ospital ngayon at ginagamot ang isang 82-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng isang lalaki sa Sta. Lucia Public Market sa Sta. Lucia, Ilocos Sur kahapon, Setyembre 9.

Kinilala ng Sta. Lucia Municipal Police Station ang biktima na si Mariano Toquero y Habon, 82, magsasaka, may asawa, residente ng Brgy. Alincoaeg ng naturang bayan.

Nakilala naman ang suspek na si Antonio Ramos y Gadingan, 58, magsasaka, may asawa, kalugar ng biktima.

Nabatid na nagpunta sa public market ang biktima para magpagupit, pagkatapos ay nagpunta ng gasoline station para bumili ng gasolina at saka nagpunta sa watch repair shop para ipaayos ang kanyang relo.

Pauwi na ang biktima nang makita nito sa daan ang suspek.

Bigla na lang umano itong sinugod ng suspek at pinagtataga.

Ang biktima ay nagtamo ng sugat sa bandang kaliwa ng ulo, sa kaliwang tuhod, at sa kanyang kaliwang hita.

Agad na dinala sa Sta. Lucia District Hospital ang biktima matapos ang insidente.

Arestado naman ang suspek na matapos isailalim sa medico-legal exam ay nagpositibo sa Alcoholic Breath Test (AB Test).

Narekober ang ginamit na itak ng suspek na may habang 20 pulgada kasama ang handle.

Dating alitan sa lupa ang isa sa mga tinitingnan motibo sa nangyaring pananaga.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Sta. Lucia MPS. Rolando S. Gamoso